-- Advertisements --

Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang 100% capacity para sa operasyon ng lahat ng mga establishimento sa ilalim ng Alert level 1.

Ito ay sa kondisyon na may maipresentang katibayan ng full vaccination bago papasukin sa mga indoor establishments o sa malawakang pagtitipon.

Ayon kay Acting presidential spokesman Martin Andanar, kinikilala ng IATF ang pangangailangan na matukoy ang mga establishimento o aktibidad na papahintulutang mag-operate sa ilalim ng alert level 1.

Sa ilalim ng revised guidelines, lahat ng establishments at aktibidad ay ipinagbabawal o pinapayagan sa limited na capacity sa ilalim ng Alert level 5,4,3 at sa ilalim ng alert level 2 at full 100% capacity sa lahat ng mga lugar sa ilalim ng pinakamaluwag na Alert level 1.

Sa ilalim ng Alert level 1, lahat ng mga establishments, indibidwal o aktibidad ay pinapayagang makapag-operate at makapagtrabaho o pumasok sa on-site o venue seating capacity basta’t patuloy pa rin ang pagsunod sa minimum public health standards.