-- Advertisements --

Nakapagtala na naman ng humigit-kumulang sa 30 pamilya ang pinalikas ngayong araw, Agosto 10, matapos nakitaan ng mga bitak at paggalaw na palatandaan ng pagguho ng lupa sa Barangay Budlaan at Barangay Buhisan 10 nitong lungsod ng Cebu.

Kinumpirma ni Raquel Arce, pinuno ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na kasalukuyang nanunuluyan ang mga ito sa evacuation center hanggang sa tuluyan ng bumuti ang lagay ng panahon.

Sinabi ni Arce na delikado pa umano sa mga naninirahan sa nabanggit na lugar lalo pa’t basa pa ang lupa at posibleng maranasan pa rin ang biglang mga pag-ulan.

Patuloy namang ina-assess ng mga responders ang lugar.

Samantala, ipinamahagi kanina ang 500 flood “walkers” para sa mga tauhan ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office, Land Transportation Office, at Cebu City Transportation Office.

Sa kanyang maikling talumpati, nagpapasalamat naman si Cebu City Vice Mayor Raymund Garcia sa natanggap na donasyon ng lungsod.