Nagpasaring si Vice Pres. Leni Robredo sa mga opisyal ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na sinasabing ginamit ang P5-milyon mula sa Marawi rehabilitation fund para pondohan ang Hajj pilgrimage sa Saudi noong 2018.
Sa kanyang weekly radio program sinabi ni Robredo na walang ibang dapat na paggamitan ang naturang pondo kundi ang pagsasaayos ng Marawi dahil dito umano ito inilaan ng gobyerno.
Nilinaw ng bise presidente na hindi nito kini-kuwestyon ang tradisyon ng Hajj pilgrimage dahil taunan naman daw talagang ginagastusan ng gobyerno ang mga napipili nitong delegado patungong Mecca.
Pero giit nito dapat ay ginamit na lang ng mga opisyal ang hiwalay na pondong nakalaan para sa pilgrimage.
“Kung for rehabilitation, dapat gastusin siya sa rehabilitation din. May sinasabi iyong pamahalaan na parati namang, parang taun-taon, mayroon naman talagang tinutulungan sa gastos pagpunta doon sa pag-participate sa hajj. Wala namang kuwestiyon dito. Pero bakit hindi siya kunin doon sa naka-budget talaga for that,” ani Robredo.
“Kasi ito, kung rehabilitasyon, para dapat ito sa rehabilitasyon. Dapat sana pampagawa noong mga bahay, noong mga, ‘di ba, noong mga bakwit na apektado sa Marawi siege. Dapat sana pag-umpisahan ng pampagawa ng mga paaralan na nasira. Dapat sana pagpagawa noong central business district para may hanapbuhay ulit iyong mga tao.”
“Maaaring puwede iyong assistance. Parang i-set aside na natin kung religious siya o hindi. Pero iyong pinakapunto iyong ginastos na pera. Hindi doon nakalaan.â€
Kaugnay nito, hinimok ni Robredo ang gobyerno na hayaang hawakan ng National Commission on Muslim Filipinos ang pondo para sa taunang Hajj trip.
Nauna ng sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na posibleng maharap sa kaso ang Housing officials kapag napatunayan ang ulat.
Pero mismong Pangulong Rodrigo Duterte rin ang nagbanta ng posibleng rebolusyon sa Mindanao kapag may pinanagot na mga opisyal.
Kung maaalala, dating umupo si Robredo bilang kalihim ng HUDCC matapos italaga ni Pangulong Duterte.