-- Advertisements --

Arestado sa ikinasang entrapment operation ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang isang opisyal ng Highway Patrol Group (HPG) sa loob ng Camp Crame bandang alas-12:00 kaninang hatinggabi.

Kinilala ni PNP-IMEG Director Police Colonel Romeo Caramat Jr., ang suspek na si Police Major Raul Salle, deputy chief for Operations Management Division ng HPG sa Camp Crame.

Nahuli si Salle sa aktong tumatanggap ng P400,000 marked money sa isinagawang operasyon.

Una rito, nakatanggap umano sila Caramat ng ulat mula sa isang biktima na sangkot sa robbery extortion ang opisyal kung saan hinihingan siya ng pera kapalit ng masusing pag-imbestiga sa idinulog nitong kaso sa HPG.

Sa ngayon ay nananatili sa kustodiya ng IMEG ang naarestong opisyal at mahaharap sa kasong robbery extortion.

Hindi pa naman nagbibigay ng pahayag ang mismong director ng HPG na si B/Gen. Roberto Fajardo kaugnay sa pagkakaaresto ng kanyang tauhan.

Samantala, todo tanggi si Salle ang akusasyong pangongotong laban sa kanya.

Sa panayam kay Salle, sinabi nito na ang perang ibinigay sa kaniya na nagkakahalaga ng mahigit P400,000 ay bayad sa utang sa kaniya ng complainant na si Maria April Ochenta.