Nakatakdang isumite ng House prosecution team ang kanilang pre-trial brief sa Senate Impeachment Court ngayong Lunes, June 15, alinsunod sa itinakdang iskedyul para sa kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Pangungunahan ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang paghahain ng nasabing dokumento na naglalaman ng mga mahahalagang detalye para sa nalalapit na paglilitis ng Senado.
Ayon kay Luistro, krusyal ang bahaging ito dahil nakapaloob dito ang “stipulation of facts” o ang mga katotohanang hindi na dapat pagtalunan pa ng magkabilang panig. Dito ilalatag ng prosekusyon at depensa ang mga ebidensya at pahayag na maaari nilang tanggapin (admit) o tutulan (deny).
Ipinaliwanag ng mambabatas na kung magkakasundo ang dalawang kampo sa isang katotohanan, hindi na ito kailangang patunayan pa sa trial kaya mas mapapabilis at mababawasan ang disputa sa pagdinig. Sa kabilang banda, kung tatanggi naman ang kabilang panig sa isang stipulation, magiging obligasyon ng naghain na patunayan ito sa pamamagitan ng pagprisinta ng mga kaukulang ebidensya at saksi sa korte.
Ayon kay Luistro, ang layunin natin ay bawasan ang mga pagtatalunan ng dalawang kampo para maging mas episyente ang takbo ng paglilitis.
Matatandaang itinakda ng Senate Impeachment Court ang pre-trial conference sa darating na Hunyo 18 upang pormal na talakayin ang mga stipulation, listahan ng mga testigo, at pagmamarka ng mga dokumentong gagamiting ebidensya sa kaso.














