-- Advertisements --

Binuweltahan ng mga mambabatas sa joint hearing ng House Committees on Good Government and Public Accountability at Public Accounts ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa anila’y palpak na implementasyon ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, “guilty” ang apat na regional directors ng DSWD sa delay na naranasan sa pagpapahatid ng emergency cash assistance sa 18 million low-income families na target beneficiaries ng SAP.

“Ilan ang guilty, inosente na pinagbabalik-balik niyo ‘yung mga kailangan ng requirements? So far I’ve identified four regional directors. ‘Yung iba maganda naman. I think you already removed one,” ani Cayetano.

Iginiit ng lider ng Kamara na hindi dapat naantala ang distribution ng SAP at dapat ang mga requirements para rito ay ginawang simple upang sa gayon ay mabilis itong ma-access ng mga benepisyaryo.

Kabilang aniya sa mga inirereklamo sa DSWD ay ang mabagal na application process, korapsyon, pagdoble ng mga nabibigyan ng emergency cash assistance at pagkalito ng mga local government units at barangay sa implementasyon ng SAP.

Sinabi ni Cayetano na papanagutin nila ang aniya’y “bureaucrats” na nagpahirap sa publiko dahil sa polisiyang ipinatupad sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

“The question to DSWD is simple: how and when can we get the best assistance in the fastest way? We will hold you accountable, bureaucrats who simply don’t get it,” he said. Mayroong bureaucrats na nakasakit sa proseso, dapat i-hold accountable,” giit ni Cayetano.

Umapela naman si House Majority Leader Martin Romualdez sa DSWD na bilisan ang pagpapahatid ng second tranche ng SAP alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.