-- Advertisements --

Nagpaabot ng kanilang pakikiramay ang liderato ng Kamara sa pamilya ng mga biktima sa pagbagsak ng C-130 cargo plane sa Sulu kahapon.

Sa isang statement, ipinaabot nina House Speaker Lord Allan Velasco at Majority Leader Martin Romualdez ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng 50 nasawi sa pangyayari, kung saan 47 dito ay pawang mga sundalo at tatlo ang mga sibilyan sa ground.

Kasunod ng tinaguriang “deadliest military aviation accidents” sa bansa, nangako si Velasco na tutulungan ang Philippine Air Force (PAF) na mapalitan ang bumagsak na C-130 at tulungan din sila na makapag-upgrade at modernize sa kanilang mga pasilidad.

Ganito rin ang tiniyak ni Romualdez, kung saan sinabi niyang gagawin ng Kamara ang lahat ng makakaya ng institusyon para matiyak ang kaligtasan ng mga sundalo at iba pang uniformed personnel.

Nabatid na isasama sana ng Kongreso ang pagbili ng mga C-130 planes sa 2021 national budget, pero walang sapat na panahon para magkaroon ng malalimang deliberasyon sa mondernization ng fleet ng PAF nang maupo bilang lider ng Kamara si Velasco noong Oktubre ng nakaraang taon.

Nasuspinde kasi ang mga sessions noong panahon na ito, at kinailangan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng special session para maiwasan ang re-enactment ng 2020 national budget.

Gayunman, kasunod ng pangyayari sa Sulu, sinabi ni Velasco na ipinapangako niyang isasama niya sa 2022 budget ang modernization ng fleet ng PAF pati na rin ang pagtitiyak sa proper training ng mga personnel na hahawak sa mga modern equipment na ito.