Dapat magpaliwanag si Senator Imee Marcos hinggil sa ginawa nitong pag re-align sa P13-billion budget na nakalaan sana para sa mga 4Ps beneficiaries nuong 2023.
Tinatayang nasa 900,000 pamilya o 4.3 million mahihirap na Filipino ang nabigyan sana ng pinansiyal na tulong kung hindi ito kinaltasan ng senadora.
Ayon kay Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-Jay” Suarez, dapat lang na magpaliwanag si Sen. Marcos kung bakit niya ito ginawa.
Sa isang pahayag, inamin ni Sen. Marcos na inirekomenda nito na ilipat ang P8 bilyong pondo para sa 4Ps sa ibang programa ng DSWD gaya ng supplemental feeding, KALAHI-CIDSS, Quick Response Fund for disasters, at AICS nang talakayin ang panukalang 2023 national budget noong 2022.
Ipinunto ni Suarez na ang 4Ps program ay hindi basta-bastang proytekto ng gobyerno dahil ito ay mayroong batayang batas—ang Republic Act (RA) No. 11310 o ang 4Ps Act.
Sinabi ni Suarez na makabubuti kung gagamitin ng Kamara ang oversight function nito upang silipin ang mga budget realignment.
Nauna rito, umapela si House Assistant Minority Leader at 4PS Partylist Rep. JC Abalos II kay Sen. Marcos na huwag na muling bawasan ang pondo para sa 4Ps program ng DSWD.
Dahil sa ginawa umanong pagbawas ng pondo ng Senado, naantala ang pagbibigay ng ayuda sa mga “poorest of the poor.”