-- Advertisements --
congress1

Makalipas ang 15 araw, tinapos na rin ng House committee on appropriations ang mga pagdinig sa panukalang pondo na alokasyon sa mga government agencies sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) for 2023.

Sa susunod na linggo ay isasagawa naman ang plenary debates sa budget proposals.

Nauna rito, huling sumalang kahapon sa panel ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ni Secretary Manuel Bonoan, na humihiling ng P718.36-billion budget para sa susunod na taon.

Sa nasabing halaga nasa P288.61 billion ang inilaan sa mga highway projects, habang ang P168.9 billion ay panukalang alokasyon sa flood control.

Ayon kay Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo, vice-chair ng komite, karamihan naman daw sa tinanong ng mga congressman sa DPWH ay maliliit lamang na mga isyu, mula sa mga kalsada, flood control projects at sa mabagal na pag-usad ng ilang proyekto na tulay.

Sa interpellation ni Deputy Minority Leader France Castro ng ACT Teachers party-list kinuwestyon niya si Sec. Bonoan ukol sa umano’y alegasyon na sindikato sa loob ng DPWH na pumipili ng mga contractors.

Sagot naman ni Sec. Bonoan sa ilalim ng kanyang liderato ay hindi ito mangyayari dahil agad niyang sisibakin ang mga tiwali opisyal.