Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na kasalukuyang pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paiigtingin nito ang ugnayan ng mga magsasaka sa mga pamilihan sa pamamagitan ng contract farming sa mga hotel, restaurant, at iba pang mga institutional buyers para maibenta ang kanilang sobra-sobrang ani upang maiwasang masayang.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., ang naturang programa ay isasagawa sa porma ng pagbibigay ng angkop na intervention upang mapadali ang transportasyon ng mga produkto sa mga lugar kung saan ang mga ito ay in demand upang sa gayon ay wala o minimal lamang ang maaksaya sa produktong pang-agrikultura.
Ang hakbang na ito ay kasunod na rin ng pagtatapon ng nasa 500 kilo ng maliliit na kamatis na nagkakahalaga ng P8 hanggang P12 kada kilo mula sa Nueva Vizcaya Agricultural Trading (NVAT) noong Enero 25.
Sinabi ng Pangulo na tinitignan na ngayon ng DA ang ulat na ito.
Ipinaliwanag naman ni Julio Basilan, Marketing Officer ng Nueva Vizcaya Agricultural Trading na kapag ang presyo ng kamatis ay nasa pagitan ng P8 hanggang P12 kada kilo natural lamang aniya sa mga mamimili na mas tangkilikin ang mas malalaking produkto.
Samantala, nasa pagitan ng P25 hanggang P60 kada kilo naman ang retail price ng mga kamatis sa mga pamilihan sa Metro Manila, ayon sa price monitoring report ng DA Surveillance, Monitoring, and Enforcement Group (SMEG) noong Pebrero 2.
Sinabi pa ng Pangulo na ang hakbang upang mapadali ang ugnayan sa pamilihan ng mga magsasaka at mangingisda ay bahagi ng isang mas mahusay na food mobilization strategy na naglalayong pigilan ang labis na suplay ng ani at pagkawala ng kita ng mga lokal na magsasaka.
Aniya, ito ay makakamit sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga delivery truck at vegetable crates sa mas maraming farmers’ cooperatives and associations (FCAs) at munisipalidad sa ilalim ng Enhanced KADIWA Grant ng ahensya.