-- Advertisements --

Ibinabala ni Sen. Imee Marcos na posibleng magkaroon ng second wave ng COVID-19 kung hindi magiging maayos ang disposal ng mga basura na magmumula sa mga ospital at laboratoryo na ginamit sa pagtukoy at paggamot sa mga nahawaan nito.

“Kahit bumababa na ang mga kaso ng impeksyon, hindi imposibleng manalasang muli ang COVID-19 kung hindi pagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang tamang pagtatapon ng mga basura mula sa mga ospital at laboratory,” pahayag ni Marcos.

Inaasahan ang pagdami ng mga medical waste sa sandaling maipatupad ang mas malawak na COVID-19 testing at ang pagluwag sa mga community quarantine.

Dahil dito, hinikayat ni Marcos ang gobyerno na magpatupad ng alituntunin para sa maayos na pagtatapon ng mga medical waste gaya ng test kit, hiringgilya, personal protective equipment o PPE gaya ng face mask, gloves, lab at hospital gown at balot sa sapatos.

“Dapat sakop din ng mga alituntunin ang paghihiwalay ng mga kontaminadong basura sa mga tahanan dahil gumagamit din ng face mask at gloves ang publiko. Dapat sakop ng alituntuning ito ang general public hanggang sa mga munisipyo at city hall,” giit pa ni Marcos.

Inaasahan din na magbabago ang mga ordinansa na may kinalaman sa pagtatapon ng basura kabilang na rin ang paggamit ng platic, kung ang pagbabasehan ay ang mga hakbang na ipinatutupad sa ibang bansa gaya ng double-bagging o pagdoble sa pagbalot ng mga contaminated waste.

Nanawagan din si Marcos sa Department of Environment and Natural Resources na mahigpit na ipatupad ang batas laban sa pagsusunog ng basura, na ayon sa World Health Organization ay ginagawa pa rin ng mga developing country ng walang control sa polusyon.

Dahil gawa sa plastik at may dagdag sangkap para hindi agad mabasa, ang mga PPE na sinusunog ay nagdudulot ng nakalalasong kemikal na tinatawag na dioxin.

Inalerto rin ni Marcos ang gobyerno sa pagpasok ng mga contaminated waste mula sa COVID-19 galing sa ibang bansa at muling ibinida ang kanyang panukala sa Senate Bill 408 na ipagbawal na ang pagpasok ng lahat ng uri ng mga imported na basura.

Sabi pa ni Marcos, dapat imbestigahan ang tatlong kumpanya na pinaaandar ng mga dayuhan sa Subic and Cagayan de Oro na nagpapasok ng iba’t ibang klase ng basura na idineklarang para sa recycling.