Isiniwalat ni Reelected Senator Risa Hontiveros na nakipag-usap na siya kay Senator Aquilino “Koko” Pimentel hinggil sa pagbuo ng isang minority bloc sa 19th Congress.
Ipinahayag ito ni Hontiveros matapos ang ginanap na proklamasyon sa mga inihalal na nanalong mga senador sa katatapos lamang na eleksyon noong Mayo 9.
Aniya, ang kaniyang pakikipagtalakayan kay Pimentel ay nagbibigay sa kaniya ng pag-asa na mayroon silang iisang layunin na buo-in ang minorya ng magkasama.
Ayon pa sa senadora, bukod kay Pimentel ay mayroon pa raw siyang kinausap na isa o dalawa pang mga senador upang tanungin kung bukas ang mga ito sa pagsama sa kaniya habang sa pagkakaalam din naman daw niya ay may ibang senador din namang kinakausap si Pimentel ukol dito.
Ngunit ganunpaman ay umaasa pa rin si Hontiveros sa posibilidad na maipagpapatuloy pa nila sa 19th Congress ang isang tunay at epektibong minorya na kaya rin aniyang makipagtrabaho sa majority para sa mga mahahalagang batas, imbestigasyon ng resolusyon, at iba pang mga usapin alang-alang sa taumbayan.
Sa kabilang banda naman ay ipinahayag ni Senator Koko Pimentel na hindi siya interesado sa pagbuo ng majority ngunit sinabi niyang bukas siya sa posibilidad ng pagsama sa minoryang nais simulan ng nag-iisang oposisyon ngayon sa Senado na si Hontiveros sa papasok na ika-19 na konkgreso.
Ito ay sa kadahilanang nais daw niyang tiyakin na magkakaroon pa rin ng bahagi ang Senado na magsusuri sa greater majority.
Paglilinaw niya, ang pagiging bahagi ng minority ay hindi palaging nangangahulugan ng pagsalungat sa majority kundi pagiging bahagi sa pagpapabuti pa ng anumang batas na ipatutupad
Samantala, sinabi naman ni Pimentel na sa ngayon ay hindi pa nila napag-uusapan kung maglalaban ba sila ni Senator Hontiveros sa pamumuno sa Senado.
Magugunita na kahapon isinagawa ang proklamasyon ng nagwaging 12 mga senador sa PICC Forum Tent sa Pasay City.
Tatlo sa mga ito ay pawang mga first timer pa lamang sa senado na kinabibilangan nina Senator Mark Villar, Raffy Tulfo, at Robin Padilla.
Apat naman sa mga ito ang re-elected senators na kinabibilangan naman nina Risa Hontiveros, Win Gatchalian, Joel Villanueva, at Migz Zubiri.
Habang magbabalik naman sa senado sina Senator Loren Legarda, Alan Peter Cayetano, Chiz Escudero, Jinggoy Estrada at JV Ejercito.
Ang nasabing mga bago at muling inihalal na mga senador ay magsisilbi sa bansa sa loob ng anim na taon o hanggang sa Hunyo 30, 2028.