-- Advertisements --

DAVAO CITY – Tiniyak ngayon ng Davao City Police Office (DCPO) na magpatupad sila ng mahigpit na seguridad sa darating na May 9, 2022 elections, lalo na ang pagtiyak sa kaligtasan ng first family na nakatakdang bomoto sa mga paaralan sa siyudad.

Ayon kay DCPO Chief Alberto Tupaz, nakahanda na sila na magbigay ng area security, traffic direction at control at magpapakalat ng special weapons and tactics (Swat) team maliban pa sa Presidential Security Group ng first family.

Maaari rin na magdagdagan ng dalawa hanggang sa apat na mga personahe ang presinto kung saan boboto si Pangulong Duterte.

Nabatid na si Pangulong Duterte at Mayor Sara Duterte ay parehong boboto sa Daniel R. Aguinaldo National High School (DRANHS).

Samantalang ang mayoral candidate na si Baste Duterte ay boboto sa precinct no. 3046A sa Catigan Elementary School habang si Paolo Duterte, na kakandidato sa First District Congressional Office ay boboto sa precinct no. 0920A sa Catalunan Grande Elementary School.

Una na rin na sinabi ni DRANHS Administrative Officer Margarita Castillo na ang historical chair noong 2016 na gigamit ni Pangulong Duterte ay siyang gagamitin rin nito sa eleksiyon sa Mayo.

Samantalang tiniyak naman ni DCPO Chief Tupaz na nasa 100-percent na ang kahandaan ng kapulisan kung nasa 2,010 na mga personahe ang i-dedeploy sa mga paaralan sa siyudad.