Inaprubahan ng Supreme Court (SC) Ang hirit ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na i-withdraw ang kanyang appeal to review kaugnay ng kanyang homicide conviction.
Ang kaso ng Amerikanong sundalo ay dahil pa rin sa pagpatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude noong 2015.
Sa isang pahinang notice mula sa Third Division ng Korte Suprema, base sa desisyon ng mga mahistrado sa hirit ni Pemberton, maikokonsidera na itong “closed” at “terminated” matapos maghain ng urgent motion to withdraw sa petition for review on certiorari na inihain noong 2017.
Sa resolusyon ng Third Division na pirmado ni Atty. Misael Domingo Battung III, Clerk of Court ng naturang dibisyon na may petsang June 15, 2020, granted ang petition ni Pemberton.
Una rito, sinabi ng kampo ni Pemberton na tinatanggap na nito ang hatol ng korte na maging final and executory na.
Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng lower court dahilan para umakyat sa SC ang kampo ni Pemberton.
Unang sinentensiyahan si Pemberton ng anim hanggang 10 taong pagkakakulong ng Olongapo Regional Trial Court (RTC) Branch 74 noong December 2015 dahil sa pagpatay kay Laude na natagpuang sa banyo ng Celzone Lodge sa Olongapo City noong October 11, 2014.
Sa pagdinig noon, inamin ni Pemberton na sinakal nito ang transgender na si Laude sa motel room dahil nadiskubre nitong lalaki pala ang kanyang sex partner.
Inilublob pa ni Pemberton ang mukha ni Jennifer sa inidoro hanggang mamatay ito.