-- Advertisements --

Todo ang pag-alma ng mga petitioners at ilang grupo ng mga abogado ang naging hakbang ng Office of the Solicitor General (OSG) na hilingin sa Supreme Court (SC) na kanselahin ang oral argument ng mga petisyon na kumukuwestiyon sa ligalidad ng Anti Terrorism Law.

Idinahilan ng OSG ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at iba pang mga isyu.

Ayon sa OSG, ang pagsasagawa ng oral arguments sa pamamagitan ng videoconferencing ay hindi pa rin garantiya na mareresolba ang health risk dahil magtitipon-tipon pa rin naman ang mga tao sa isang lugar.

Sa panig ng OSG, marami na raw ang nagpositibo sa virus kabilang na ang ilang kataobg nasa 60 taong gulang.

Pero para sa National Union of Peoples Lawyers (NUPL), premature ang hirit ng OSG dahil wala pa ngang nai-set na petsa, parameters sa naturang isyu.

Sinabi ni NUPL Pres Edre Olalia, pagkakaitan daw ng korte ang mga petitioners na idepensa ang kanilang panig kapag tuluyang kanselahin ang oral argument.

Binanatan din ng petitioner na si Atty Howard Calleja ang gobyerno na mistulang may itinatago kaya nais ipakansela ang oral argument kaysa harapin ang isyu.

Sa panig naman ni Sen. Panfilo Lacson na pangunahing nagsulong sa Anti Terror Law, iginiit nitong ang passage ng Anti Terrorism Act sa kalagitnaan ng pandemic, ang terorismo raw ay walang kinikilalang timing timing o borders.