-- Advertisements --
image 71

Tiniyak ni House Committee on Labor and Employment Chair at Rizal 4th District Representative Fidel Nograles na agad niyang pangungunahan ang pagdinig ukol sa hirit na dagdag sahod kapag natapos na ang preparasyon at nakausap na ang mga stakeholders.

Ipinangako ng mambabatas na gawing prayoridad na madinig ang mga panukalang salary increase sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang mga pangunahing bilihin.

Ginawang basehan ni Nograles ang survey ng Pulse Asia nitong Hunyo na nagsasabing 57 percent mga Pilipino ang naniniwalang kailangang tugunan ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng bilihin habang ang 45 percent naman ay nananawagan para sa pagtaas ng sweldo.

Paalala naman ng kongresista na hindi pa masasabing ‘done deal’ ang mungkahing pagpapatupad ng national minimum wage dahil mahaba haba pa ang talakayan hinggil dito lalo at dapat ding isaalang-alang ang panig ng mga employers sa usapin.