Ibinasura ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hirit ng transport group na P1 rush hour rate.
Bunsod nito, ayon kay Pasang Masda national president Roberto Martin, maghahain sila ngayong araw ng nirepasong bersiyon ng petisyon na humihiling ng P1 na dagdag pasahe.
Hiwalay pa ito mula sa petisyong P2 na dagdag pasahe na inihain ng ibang transport groups.
Ang P1 na surcharge fare kasi ay para sana sa kasagsagan ng rush hours mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Ayon naman kay LTFRB chief Teofilo Guadiz III kanilang iginagalang ang karapatan ng mga jeepney operators at drivers na maghain ng petisyon para sa dagdag pasahe.
Marami din aniyang ikinokonsiderang factors sa pagrereview ng fare hike petitions kayat dapat na pag-aralang maigi ang mga factor na ito ng board bago payagan ang anumang pagtataas sa pamasahe.