-- Advertisements --

Aminado ang Department of Health (DOH) na nagkakaroon sila ng problema ngayon sa hiring ng dagdag na health care workers para sa COVID-19 response.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kumpara noong mga nakalipas na buwan, mas mabagal ang pagpasok ngayon ng mga aplikasyon sa ilalim ng kanilang recruitment program para sa health human resource.

“Walang takers. We are trying to partner now with universities and institutions, para mas mabilis at makakuha kami by batches nitong mga graduates sa kanila.”

“Tumitingin pa rin tayo kung ano pa yung ibang ways on how we can further increase or augment our health care workers sa mga ospital.”

Umaasa ang DOH na agad maipapasa pagbubukas ng bagong sesyon ng Kongreso ang panukalang batas na Bayanihan 2.

“Nakapaloob na lahat doon lahat ng safeguards natin kasi nga itong mga nagawa nating for hiring eh alam natin na based on the provision of the first law.”

“So lahat ng kailangan nating provision pinalagay na natin sa Bayanihan 2 para ma-sustain nating itong mga hired natin through this emergency means.”

Sa ngayon nasa halos 6,000 health care workers na raw ang na-deploy ng DOH sa ilalim ng recruitment progam.

“Kung ilalagay natin sa graph, pataas dati (ang application) ngayon nagpa-plateau. Ibig sabihin bumabagal na yung update ng mga gustong mag-apply dito sa National Capital Region.”

Una nang sinabi ni Vergeire na sa kabila ng mga reklamo ng ilang health care workers sa mga ospital ay sinisikap nilang tugunan ang samu’t-saring panawagan.

Hiling ng ilang frontliners, dagdagan ang kanilang supply sa personal protective equipment, benepisyo at mga kasama pa sa serbisyo.