-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Dinagat Islands na walang inaasahang magnitude-8 na lindol na tatama sa kanilang lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni provincial government spokesperson Jeff Crisostomo na hindi totoo ang mga kumalat na text message sa kanilang mga residente na nagsasabing may malakas na lindol na yayanig sa kanila.

Ipinaliwanag ng opisyal na walang siyentipikong basehan ang makapagsasabi kung kailan tatama ang lindol.

Hinimok ni Crisostomo ang mga kababayan nito na ‘wag basta maniniwala sa mga ulat at impormasyon hindi beripikado at hindi galing sa mga otoridad.

Nanawagan naman ito ng dasal sa mga taga-Dinagat para manumbalik ang kaayusan at makabangon ang mga biktima ng magkakasunod na lindol sa Cotabato at Davao kamakailan.