
Binigyang diin ni Presidential Chief Legal Counsel Juan Ponce Enrile na dahil na din sa ilang mga tiwali sa gobyerno, kung bakit hindi matapos-tapos ang problema ng bansa sa smuggling.
Sinabi ni Enrile na sa halip na mapigilan ang iligal na gawain, minsan ay sa mga tauhan mismo ng ilang ahensya nanggagaling ang hakbang para sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa bansa.
Aminado rin itong pamilyar na mga pangalan na ang nababanggit na sangkot sa operasyon ng smuggling.
Dagdag pa ni Enrile na naririyan din ang aniya’y ilang walang mga konsensiyang negosyante na ang tanging iniisip ay ang kanilang mga sarili lamang at gagawin ang lahat, makalusot lamang sa pagbabayad ng kailangang buwis para sa pamahalaan.
Nasa enforcement din ayon kay Enrile ang problema kaya’t nananatili ang problema sa pagpupuslit ng mga kargamentong pumapasok sa bansa.
Kamakailan lamang ay nag-utos na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng malawakang reporma sa burukrasya upang masawata ang talamak na smuggling.










