-- Advertisements --
bank lending 1

Naghain si Senate Majority Leader Joel Villanueva ng isang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang mga hindi awtorisado at hindi rehistradong online lending platforms sa bansa na nakakapambiktima ng daan-daang mga Pilipino.

Sa paghahain ng Senate Resolution No. 641, sinabi ni Villanueva na sa pagdami ng lending transactions sa pamamagitan ng digital platforms, dumarami rin ang bilang ng kaso ng mapang-abusong pangongolekta at debt recovery practices ng ilang mga kumpanya.

“Our office has been receiving hundreds of complaints from people who were harassed, intimidated, and shamed by the collecting agents of these online lending platforms for being unable to pay their loans on time,” Ani Villanueva 

“We need to put a stop to this inhumane and unethical practice and make sure that our kababayans are truly protected,” dagdag niya.

Ayon pa sa lider ng mayorya, kinakailangan nang ipatupad nang maayos ang mga batas para matiyak na ang mga konsyumer ay nakikipag-transaksiyon lamang sa mga rehistrado at awtorisasdong online lending companies para maprotektahan ang kanilang interes at kapakanan.

Nauna nang binawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Certificates of Registration ng 2,084 lending at financing companies na hindi kumuha ng kanilang Certificates of Authority (CA), habang 39 naman ang kinansela ang kanilang CA dahil sa iba’t ibang mga paglabag.

Hiniling din ng Senador sa angkop na komite ng Senado na tingnan ang mga ulat na may mga online lending platform na sangkot sa iresponsableng pagkuha ng mga datos at impormasyon na labag sa ‘right to privacy and safe and secure transactions’ ng kanilang mga kliyente.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11765 o Financial Products and Services Consumer Protection Act, ang mga financial service provider ay pinagbabawalang maging mapang-abuso sa pangongolekta ng utang ng kanilang mga kliyente.

Bukod diyan, nakasaad din sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines na dapat isulong ang “fair, honest and equitable relations among parties in consumer transactions.”