Nagpahayag muli ng pagkadismaya si Senator Rodante Marcoleta sa ilang miyembro ng media dahil umano sa hindi paglalathala ng lahat ng kanyang mga pahayag.
Matatandaang naging kontrobersyal si Marcoleta noong Hunyo 4, 2026 sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee matapos niyang tawaging “bayaran” ang ilang miyembro ng Senate media.
Kasunod nito, agad siyang humingi ng paumanhin sa parehong araw. Nilinaw niya na hindi niya layuning siraan o maliitin ang buong hanay ng media at inamin niyang dala lamang ng kanyang pagkadismaya ang kanyang naging pahayag.
Sa kanyang pagdalo sa sesyon ng Senado nitong Miyerkules, Hunyo 17, muling binanggit ni Marcoleta ang kanyang hinanakit laban sa media.
“Lahat naman ng sinasabi ko, hindi n’yo naman pina-publish,” ani Marcoleta.
Ayon pa sa senador, ilang beses na siyang sumagot at nagpaliwanag sa mga tanong ng media, ngunit hindi umano ito lumalabas sa mga inilalathalang balita at pahayagan.
“Sa totoo lang, ilang beses n’yo na akong tinanong at nagpaliwanag ako nang mabuti, pero kapag binasa mo lahat ng diyaryo, wala,” dagdag niya.
Samantala, muling nakita si Marcoleta sa Senado kasama ang ilang senador na sina Loren Legarda, Pia Cayetano, Bong Go, at Imee Marcos. Ito ang unang pagdalo ng Cayetano bloc sa Senado mula noong Hunyo 1, 2026.
Sa kasalukuyan, nanumpa na bilang bagong Senate President si Sherwin Gatchalian matapos ang isinagawang special session ng Senado nitong umaga ng Hunyo 17, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.















