-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Posible pa umanong madagdagan ang mga Pilipinong nakatakdang mailikas sa Egypt.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shay Kabayan, ang Bombo International News Correspondent sa Israel, ngayong araw ng Linggo ay mula 20 hanggang sa 43 sa mga Pilipinong naiwan sa Gaza ang inaasahang maialis sa lugar.

Hindi pa umano makapagdesisyong makaalis ang nalalabing bilang ng mga Pilipino roon dahil aniya sa iba’t ibang mga kadahilanan gaya na lamang ng palestinian ang kanilang passport o di naman kaya ay hindi nila maiwan ang kanilang mga asawa.

Sa kasalukuyan ani Kabayan, prayoridad na mailabas ngayon ng Israel ang mga lubhang nasugatang mga residente roon upang mabigyan ng kaukulang gamutan.

Aniya, nakatitiyak naman siya sa kaligtasan ng mga lilipat ng Egypt dahil maayos naman ang ugnayan at komunikasyon ng embahada ng Pilipinas doon.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala na rin aniya silang gaanong naririnig na mga pagsabog ng bomba sa Tel Aviv ngunit nagpapatuloy pa rin ang pagpapasabog ng bomba sa ibang mga syudad sa Israel.