BAGUIO CITY – Aabot na sa mahigit P7 million na halaga ng mga tanim na marijuana ang binunot at sinira ng mga otoridad sa mga bayan ng Kibungan, Bakun at Kapangan sa lalawigan ng Benguet.
Ayon kay Police Regional Office Cordillera regional director Police Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson, bunga ito ng apat na araw na serye ng marijuana eradication operations sa pagsisimula ng bagong taon na bahagi ng agresibong kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Aniya, kahapon lamang ay binunot ng mga otoridad ang aabot sa P2.9 million na halaga ng mga marijuana plants sa 11 plantation sites sa Moling, Palina, Kibungan, Benguet.
Tagumpay din na binunot ng mga otoridad ang higit P3.2 million na halaga ng mga marijuana plants sa Tubongan, Kayapa, Bakun at sa Gotgoto, Beleng Belis, Kapangan, Benguet.
Nadiskobre din ang P378,000 na halaga ng mga marijuana sa Namalilian, Kayapa, Bakun, Benguet habang nadiskobre ang P624,000 halaga ng mga marijuana at dried marijuana stalks sa Dupinas, Palina, Kibungan, Benguet.
Gayunman, walang nahuli ang mga operatiba na mga marijuana cultivator.
Sinunog ng mga operatiba ang lahat ng mga nasabing kontrabando sa lugar kung saan binunot ang mga ito.