-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Matagumpay na sinira ng pamahalaang lungsod ng Cauayan ang apat na nakumpiskang machine sa paggawa ng pekeng sigarilyo kaninang alas-8:00 ng umaga .

Ang mga ito ay sinira sa pamamagitan ng backhoe sa harapan ng Cauayan City Hall pagkatapos ng flag raising ceremony.

Ang mga makina maging ang mga kagamitan sa paggawa ng filter ng sigarilyo ay nakumpiska sa isinagawang raid sa isang bodega sa Minante 2, Cauayan City na nirentahan ng apat na negosyanteng Chinese.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Bernard Dy na ang mga nakumpiskang machine ay kinumpirma mismo ng isang malaking cigarette company na gamit sa paggawa ng pekeng sigarilyo dahil mayroon nang nakumpiska na ganito sa Pangasinan at Bulacan.

Pinasalamatan ni Mayor Dy ang mga otoridad at mga opisyal ng barangay na nagbigay ng impormasyon para matuklasan ang iligal na negosyo ng mga Chinese dahil sa panganib na dulot ng mga tao sa mga gagawin nilang pekeng sigarilyo.

Nagkakahalaga ng P6.5 million ang mga sinirang makinarya.