Aabot sa P408,000 halaga ng hinihinalaang shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang lalaking sinasabing miyembro ng drug group sa ikinasang anti-illegal drug operation kahapon, Sabado, March 19,2022 sa may Barangay Unang Sigaw.
Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si alyas “Jerome,” 24-anyos at miyembro umano ng Dimaano drug group.
Nakumpiska mula sa suspek ang 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,000, buy-bust-money at cellphone na ginamit sa transaksyon.
Ayon sa pulisya, ang Dimaano drug group ang kilalang nasa likod ng bentahan ng ilegal na droga sa lungsod at mga karatig-lugar.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
Siniguro naman ni QCPD Director BGen. Remus Medina, na lalo pa nilang pina-igting ang kanilang anti-drug campaign.
Muling inilunsad ng PNP ang kanilang Anti-illegal Drugs Operation thru Reinforcement and Education (ADORE) marker na bahagi ng Oplan Double Barrel 2022.
Partikular na tututukan ng Oplan Double Barrel Finale ang Rehabilitation, Reintegration and Recovery ng may 1.2 milyong nabiktima ng iligal na droga.
Ayon kay PNP chief Gen. Dionardo Carlos, ang ibig sabihin ng Double Barrel Finale Version 2022 ay ang katapusan ng kampanya na tinawag na double barrel na inilunsad noong 2016 sa panahon ni dating PNP chief at ngayon ay Senador Ronald Bato Dela Rosa sa ilalim ng administrasyong Duterte.