-- Advertisements --

solda1

Kinumpirma ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa mahigit 47,785 persons deprived of liberty (PDLs) sa buong bansa ang nakatakdang bumoto sa May 9,2022 national and local elections.

Nilinaw naman ni BJMP spokesperson Jail Superintendent Xavier Solda, na ang mga PDL ay maaari lamang bumoto sa pagka-pangulo, vice president, senators, at party-list, gaya sa absentee voting.

Paliwanag pa ni Solda, kapag ang bilang ng PDLs na nasa 50 pababa sa isang facility, sila ay ililipat sa polling centers kung saan sila bumoboto.

Pero kung nasa mahigit 51 ang boboto, maaari itong gawin sa BJMP facility bilang special police center at mismong mga tauhan ng Commission on Elections ang siyang personal na mangangasiwa.

Dagdag pa ni Solda, may special lane sa mga polling center ang mga bobotong PDLs at nakipag-ugnayan na rin sila sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na naka-deploy sa grounds.

Nabatid na ang pagboto ng PDLs ay mayroong court order na nagsasabing pinapayagan sila na lumabas para bumoto.

Nais ng pamunuan ng BJMP na mapagtibay ang karapatan ng mga PDL na bumoto.

Samantala, bago pa sila payagang lumabas ng kulungan para bumoto ay isasailalim muna sila sa antigen test.