-- Advertisements --

Iniulat ngayon ng Ukrainian General Staff na umaabot na umano sa 38,450 ang kanilang napapatay na mga Russian soldiers mula ng lusubin sila noong Pebrero 24 ng taong kasalukuyan.

Umabot ang naturang bilang matapos na mapatay umano ng Ukraine army ang nasa 150 mga Russian military personnel sa nakalipas na araw.

Ang naturang report ng General Staff ng Ukraine armed forces ay hindi naman kinukumpirma ng gobyerno ng Russia.

Naglabas din naman ng datos ang Ukraine na nasa 1,687 na rin ng mga Russian tanks ang kanilang nawasak o naagaw kung saan halos mag-aanim na buwan na ang giyera.

Samantala, iniutos naman ni Russian Defence Minister Sergei Shoigu sa kanilang militar na pag-ibayuhin pa ang pag-target sa mga long-range missile at artillery weapons ng Ukraine.

Karamihan kasi sa naturang mga modernong armas pandigma ay bigay ng ibang mga bansa para idepensa ang Ukraine.

Dahil sa layo at lakas ng mga naabot ng mga long range missile ng Ukraine ay naging matagumpay ang pagsira umano nila sa may 30 Russian logistics at ammunition hubs, gamit ang ilang multiple launch rocket systems.