Nahuli ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ang halos 3,500 traffic violators ngayong buwan ng Pebrero.
Ibinunyag ni LTO-NCR Regional Director Roque Verzosa III na, ayon sa pinakahuling datos ng LTO-NCR Traffic Safety Unit (TSU), nahuli ng Law Enforcement Unit at Law Enforcement Team ng ahensya ang 3,447 motorista noong Pebrero 2024 dahil sa iba’t ibang paglabag sa trapiko.
Sa kabuuan, 2,026 na motorista dito ang nahuli dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code. Kabilang din dito ang 301 kaso na kinasasangkutan ng mga hindi rehistradong sasakyang de-motor, alinsunod sa patakarang ‘No Registration, No Travel’.
Binanggit ni Verzosa na 591 motorista ang nahuli dahil sa pagmamaneho ng mga sasakyan na may mga sirang accessories, device, equipment, o parts. Kabilang sa iba pang paglabag ang pagmamaneho habang naka-tsinelas, hindi pagdala ng OR/CR habang nagmamaneho ng sasakyang de-motor, reckless driving, at pagmamaneho nang walang valid driver’s license.
Sa parehong panahon, 1,009 na motorista ang nahuli dahil sa hindi paggamit ng seatbelts. Gayundin, 391 motorcycle rider ang tumanggap ng parusa sa hindi pagsusuot ng helmet habang 15 ang pinagmulta dahil sa hindi pagsunod sa Children Safety on Motorcycle law.
Anim na driver din ang binanggit na lumabag sa Anti-Distracted Driving Act.
Bukod dito, nahuli ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 587 motorista dahil sa paglabag sa R.A. 8794, na kilala rin bilang Anti-Overloading Act, habang inaaksyunan naman ng Philippine National Police (PNP) ang 69 na indibidwal dahil sa paglabag sa R.A. 10054 at 130 iba pa para sa iba’t ibang mga paglabag.
Binigyang-diin ni Verzosa na magpapatuloy ang pinaigting na kampanya sa buong taon.