Agad na binigyan ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) office ang nasa mahigit 200 pamilya na lumikas mula sa isang sitio sa bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro matapos ang isinagawang military operations sa lugar laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, kaniyang ipinag-utos ang pamamahagi ng tulong sa mga pamilyang nagsilikas.
Sinabi ni Tulfo na nagkasagupaan kasi ang mga miyembro ng Philippine Army at NPA kahapon July 15, 2022.
Sa nasabing labanan, patay ang lider ng nasabing sitio habang ang mga bakwit ay pansamantalang nanunuluyan ngayon sa isang simbahan doon.
Pinuri naman ni Sec. Tulfo ang pamunuan ng DSWD Region 4B dahil sa maagap na paghatid ng mga pagkain, hygiene kits at pinansiyal ng tulong para sa burial assistance ng namatay.
Una ng binigyang-diin ni Sec. Tulfo sa lahat ng opisyal ng DSWD sa buong bansa na iparamdam sa mga kababayan natin ang presensiya ng ahensiya lalo na sa panahon ng pangangailangan.