-- Advertisements --

Higit 20,000 sundalo ang ikakalat sa araw ng Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Manila sa darating na Sabado (Enero 9, 2021).

Ito ay bahagi ng paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Manila at Simbahan Katoliko para maiwasan ang siksikan ng mga deboto sa pinakamalaking religious tradition sa bansa.

Sa gitna ng pandemya, umaapela ang Department of Health (DOH) sa mga deboto na online na lamang magsimba.

Sa ngayon, limitado sa 30 percent ang pinapayagang capacity sa mga simbahan base na rin sa umiiral na quarantine restrictions.

Kaya naman inihahanda na rin ng Quiapo Church ang malalaking screens sa labas ng simbahan para sa mga misa sa darating na Sabado.

Nauna nang inanunsyo ang kanselasyon sa taunang prosesyon ng imahe ng Itim na Nazareno para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Hinimok naman ni Task force spokesperson Lt. Arrianne Bichara ang publiko na makibahagi sa mapayapa at maayos na paggunita sa Pista ng Itim na Nazareno ngayong 2021 at palaging sundin ang health protocols kontra COVID-19.