Mahigit 1.5 million health protocol violators ang naitala ng PNP (Philippine National Police) sa loob ng 71 araw mula May 6 hanggang July 17,2021 nationwide.
Ayon kay Deputy Chief for Operation at JTF-COVID (Joint Task Force-Coronavirus Disease) Shield Commander Lt. Gen. Ephraim Dickson, sa nasabing bilang ay mahigit 1 million ang binalaan; 324,851 naman ang tinikitan o pinagmulta; 62,162 ang sumailalim sa community service; habang nasa 45,875 ang inaresto.
Ang mga paglabag aniya ay ang hindi pagsuot at hindi tamang paraan ng pagsuot ng face mask, hindi pagsuot ng face shield, mass gathering, physical distancing at palabag sa Republic Act 11332.
Ang may pinakamaraming naitalang paglabag ay ang hindi pagsusuot ng face mask na nasa 511,389; sinundan ito ng hindi pagsuot ng face shield na nasa 500,676.
Samantala, nakapagpatala rin ang JTF COVID Shield ng nasa mahigit 1.2 million curfew violators sa loob ng 44 araw sa buong bansa.
Paliwanag ni Dickson, 351,192 dito ang binalaan; 594,486 ang pinagmulta; 301,511 ang inaresto at isinailalim sa inquest proceedings at ang iba ay released for regular filing.
Ang Luzon ang may pinakamaraming naitalang curfew violators na umabot sa 716,527; sinundan ng Mindanao na may 322,399; at pangatlo ang Visayas na nasa 208,263.
Ang datos ay mula March 17,2020 hanggang July 17,2021.