Kapakanan ng mga manggagawa at ang epekto sa ekonomiya ngayon ang naging dahilan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III kaya agad niyang kinontra ang panukala ng Inter Agency Task Force (IATF) na ipagbawal na rin ang paninigarilyo para ma-control ang paglaganap ng Coronavirus disease 2019 (COVID) sa bansa.
Una rito, ibinunyag ni Bello na ipinanukala ng IATF ang nasabing plano noong nagkaroon ng COVID-19 Coordinated Operations to Defeat Epedemic (CODE) team visit sa General Trias, Cavite.
Ayon kay Bello, aabot sa 2.5 million na mga manggagawa ang maaapektuhan kapag ipinatupad ang plano ng IATF.
Papalo din umano sa P145 billion na halaga ng excise tax mula sa tobacco industry ang mawawala kada taon kapag ipinagbawal na ang paninigarilyo.
Dagdag ni Bello malaki rin umano ang kontribusyon ng industriya ng tabako sa Universal Health Fund ng gobyerno.
Dahil dito, ipinanukala na lamang ni Bello na payagan ang paninigarilyo pero imintina pa rin ang isang metrong distansiya o hindi kaya ay gumawa ng smoking areas at isa-isa ang papayagang manigarilyo rito.
Nanindigan naman ang kalihim na ang trabaho niya ay para protektahan ang mga empleyado at magpatuloy ang mga negosyo sa gitna ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
“We can’t ban smoking because it will adversely affect the tobacco industry. If we ban smoking, those figures will be severely affected. My job is to protect and preserve employment. To achieve that, I help shops to stay in business. We can smoke in smoking areas. But the condition is one smoker at a time,” wika ni Bello.










