-- Advertisements --

Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-7) na nasa kabuuang 17,106 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) sa Central Visayas ang tinanggal na sa listahan.

Sa nasabing bilang, 4,918 ang mula sa Bohol; Cebu na may 7,897; Negros Oriental na may 4,740, at 84 na benepisyaryo naman sa Siquijor ang tinanggal sa listahan.

Inihayag ni Leah Quintana, information officer ng DSWD-7 na kabilang sa mga batayan para tanggalin ang mga ito sa listahan ay ang kanilang hindi pagsunod sa mga kondisyon ng programa, paglipat ng tinitirhan at ang hindi pag-update ng beneficiary data.

Habang ang iba naman ay tinanggal sa 4P’s program matapos napag-alaman na self-sufficient at iyong mga indibidwal na wala nang mga anak na kwalipikadong tatanggap ng suporta ng gobyerno.

Nasa kabuuang 374 na benepisyaryo ang idineklarang “self-sufficient” ang nakapagtapos na sa programa habang 533 naman ang nagre-activate sa kanilang membership.

Samantala, batay sa data ng ahensiya nasa 38,264 ang tinanggal sa listahan mula pa noong taong 2011 hanggang 2021.