-- Advertisements --

Ginanap ang kauna-unahang pagbabakuna sa lungsod ng Bacoor ngayong araw sa Southern Tagalog Regional Hospital na pinangunahan ng Department of Health Region IV-A Regional Director Dr. Eduardo Janairo kasama si Mayor Lani Mercado-Revilla, Congressman Strike Revilla, STRH Director Dr. Ephraim Rubiano at Bacoor City Health Officer Dra. Ivy Yrastorza.

May 114 health care workers ang nabakunahan ngayon ng Sinovac mula sa National Government. Mayroon ding dumating na 238 vials na karagdagang dala ni DOH RD Janairo ngayong araw na siya namang gagamitin sa Biyernes, March 12.

Ayon kay Mayor Lani, labis itong nagpapasalamat kila Pangulong Rodrigo Duterte, vaccine czar Sec. Galvez at DOH Secretary Francisco Duque III dahil nabigyan ng mga bakuna kontra Covid-19 ang Lungsod ng Bacoor at nasimulan na ang vaccination program sa mga health care workers.

Sinabi naman ni Dr. Ephraim Rubiano, STRH Director, na makasaysayan ang araw na ito sa yugto ng pandemya dahil ito na ang araw na pinakahihintay ng lahat.

Ang panauhing pandangal na si DOH Regional Director, Dr. Janairo ay nagpahayag naman ng buong suporta sa Lungsod ng Bacooreño. Aniya, makakaasa umano ang Bacoor na hindi ito pababayaan ng national government dahil kasalukuyang nakararanas ng COVID-19 surge ang naturang lungsod.

“Naniniwala ako na ang simula ng ating pagbabakuna sa hanay ng ating mga health care workers ay magiging hudyat ng masigla af ligtas na pagbabakuna sa ating mga kababayan. Uunahin nating matapos ang 2,200 health care workers na nagtatrabaho sa public and private medical institutions habang nagsisimula na din tayo ng ating survey and pre-registration sa ating mga barangay. LIGTAS BACOOR! Bacoor Yes sa Bakuna tayo sa ating lungsod, ” dagdag ni Mayor Lani.

Matapos ang unang batch ng vaccination rollout sa health care workers sa STRH at CHO ngayong araw ay masusundan ito ng susunod na batch sa Biyernes. At sa mga susunod na linggo ay magpapatuloy ang serye ng mga trainings at seminars sa mga personnel na involved sa rollout. Gaganapin din ang simulation sa dalawang Mega Vaccine Hubs sa Bacoor, isa sa Bacoor Elementary School sa Brgy. Alima at Bacoor Coliseum sa Molino 3.

Inaasahang matapos na mabakunahan ang 2,200 health care workers sa mabilis na panahon upang makapagsimula na ring makapagbakuna sa iba pang frontliners ng naturang lungsod.