-- Advertisements --

Hinikayat ni House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan ang mga healthcare workers na magpabakuna na rin kontra COVID-19 vaccines.

Sinabi ito ni Tan sa Ugnayan sa Batasan press briefing isang araw matapos na mabakunahan ng CoronaVac ng Chinese firm Sinovac Biotech kahapon, Marso 2, 2021, sa Veterans Memorial Medical Center.

Ayon kay Tan, na isa ring doktor, mahalagang magpabakuna ang mga health workers kontra COVID-19 lalo na ngayong may mga naitala nang kaso ng South African variant sa Pilipinas.

Sang-ayon din siya sa pahayag ni Dr. Tony Leachin, dating adviser ng National Task Force against COVID-19, na nakitang makakatulong ang CoronaVac kontra South African variant ng coronavirus 2019.

Kahapon, sinabi ng Department of Health (DOH) anim na kaso ng South African variant ng COVID-19 ang naitala sa Pasay City.

Kaya para hindi palaging mag-aalala patungkol dito ang mga health workers sa tuwing pumapasok sa trabaho, mainam na magpabakuna na rin aniya ang mga ito kontra COVID-19 para may sapat na panlaban din ang mga ito kontra sa naturang respiratory disease.