-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga magsasaka na hindi niya hahayaan na malugi ang mga ito kahit na ipinatutupad na ang Rice Tariffication Law sa bansa.

Pahayag ito ni Pangulong Duterte nang pinasinayaan nito ang by-pass road sa Candon City, Ilocos Sur, kagabi.

Sa nasabing talumpati, sinabi ng pangulo na ipapatigil nito ang pag-aangkat ng imported na bigas kung magsisimula na ang anihan ng mga magsasaka at magtatagal ito hanggang sa matapos na ang anihan.

Ipag-uutos din umano nito sa pamahalaan na bilhin ang mga produkto ng mga magsasaka upang matulungan ang mga ito sa kanilang pag-unlad.

Kung maaalala, maraming magsasaka ang nangangamba lalo na sa bahagi ng Luzon, dahil sa maraming imported na bigas na naibebenta sa merkado dahil sa nasabing batas.