Binigyang-diin ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na ang impeachment process laban kay Vice President Sara Duterte ay mahigpit na nakabatay sa mga panuntunan at matibay na ebidensya.
Ayon kay Ridon, miyembro ng House Committee on Justice, handa ang Kamara na ipagtanggol ang kanilang proseso sa patas at legal na paraan sakaling iakyat ito ng kampo ng Bise Presidente sa Korte Suprema.
Pinabulaanan ni Ridon ang mga paratang na ang mga reklamo ay base lamang sa espekulasyon.
Binanggit niya ang mga konkretong basehan gaya ng ulat mula sa Commission on Audit (COA) tungkol sa P70 milyong disallowed confidential funds, pati na ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.
Ayon sa mambabatas, kailangang maipaliwanag ang agwat sa tinatayang P30-P40 milyong kabuuang sahod ng Bise Presidente mula 2007 hanggang 2024 kumpara sa iniulat nitong P88 milyong net worth noong 2025.
Tiniyak ni Ridon na sinusunod ang due process at binibigyan ng pagkakataon ang Bise Presidente na sumagot sa bawat yugto ng pagdinig.
Nakatakdang magpatuloy ang Komite sa pagsusuri ng mga dokumento at record upang matukoy kung may sapat na “probable cause” para ituloy ang impeachment.









