-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nagsasagawa na rin ng kilos protesta ang hanay ng transportasyon sa Haiti para kalampagin ang kanilang pamahalaan na paigtingin ang seguridad sa kanilang bansa.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Nene Sylvain, Pilipinang guro sa Haiti na bukod sa mga dinukot na doktor na sanhi ng pagdedeklara ng Haiti Medical Association ng tatlong araw na strike ay may mga pampasaherong bus na galing sa mga lalawigan ang hinaharang ng mga masasamang loob at hinoholdap ang driver at mga pasahero.

Ang tigil-pasada ng mga bus ay magtatagal ng ilang araw.

Samantala, umabot na sa 65 na Filipino sa Haiti ang nais nang umuwi sa bansa dahil hindi na sila ligtas sa naturang bansa.

Ayon kay Ginang Sylvain, sumulat na ang mga OFW’s sa Embahada ng Pilipinas sa Washington DC na nakakasakop sa Haiti para sila ay ma-repatriate.

Ang mga OFWs ay mga warehouse manager at mga nagtatrabaho sa opisina. Dahil sa tumitinding suliranin sa seguridad sa Haiti ay hindi na sila ligtas sa kanilang pagpasok at pag-uwi mula sa kanilang trabaho.