-- Advertisements --

Inakusahan ng Hamas militants ang Israel na patuloy nitong tinatarget ang mga sibilyan habang patuloy ang ginagawang pag-uusap para sa pagsulong ng ceasefire.

Ayon kay Hamas official Osama Hamdan na kada nagkakaroon ng negosasyon ay doon naman pinapaigting ng Israel ang kanilang pag-atake.

Dagdag pa nito na dahil sa ginagawang ito ng Israel ay mas lalong pinapatagal ang pagkakaroon ng peace negotiations.

Magugunitang kapwa naglatag ng mga kondisyon ang Hamas at Israel para matuloy na ang pang matagalang ceasefire.

Nakatakdang bumalik sa Israel si US Secretary of State Antony Blinken para isulong ang pagpigil sa Israel na huwag ng atakihin ang Rafah City.

Sinabi nito na mahalagang magkaroon ng pag-uusap para wala ng sibilyang madamay sa military operations ng Israel.

Mayroong mahigit 1.5 milyon na Palestino ang lumipat sa Rafah matapos ang pag-atake na ginawa ng Israel.

Nagpadala naman si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ng mga tauhan nito sa US para talakayin ang Rafah operations.

Sa kasalukuyan ay nasa Saudi Arabia si Blinken na siyang pang-anim na biyahe nito sa Middle East mula ng magsimula ang labanan ng Israel at Hamas noong Oktubre 7.