DAVAO CITY – Nasa kustodiya na ngayon sa Bureau of Customs-Port of Davao ang dalawang crew ng motorized banca para sa dagdag na imbestigasyon matapos marekober ang P1.9 milyon halaga ng smuggled na sigarilyo sa sub-port sa Dadiangas sa Sarangani, Davao Occidental.
Kaisa sa nasabing operasyon ang mga tauhan ng Naval Forces Eastern Mindanao kung saan nasa 40 na mga karton ng Indonesian made na Gudang Baru ang nakumpiska.
Isinakay umano ito sa motorized banca palusot sa karagatan na sakop ng Glan, Saranggani Bay.
Bago isinagawa ang operasyon, may inilabas na warrant of seizure and detention sa mga nagpapalusot ng mga smuggled items.
Sa kasalukuyan, hinahanda na rin ngayon ang kasong paglabag sa Section 1113 of Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Magpapatuloy pa ang Bureau of Customs sa paghabol sa mga indibidwal na planong magpalusot ng mga illegal na kontrabando.