CAGAYAN DE ORO CITY – Walang ibang dahilan maliban sa kapakanan at ikabubuti ng transport sector kung bakit tuloy-tuloy ang pagsusulong na maipatupad ang modernization program ng public utility vehicles (PUVs) sa bansa.
Ito ang muling pinanindigan ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista kung bakit ipinagpatuloy ang franchise consolidation ng public transport units na inaasahan na matatapos sa huling bahagi ng Abril 2024.
Sinabi ng kalihim na kabilang sa mga bagay na ikino-konsidera ng ahensiya ay ang mismong proteksyon ng mga drayber mula sa buwanang sahod nila mula sa malalaking transport corporations.
Paliwanag nito na dapat hindi rin sobra-sobra ang mga transport unit vehicle ng iisang rota lang kaya kailangan ang patuloy na franchise consolidation.
Dagdag ni Bautista na hindi na nila kailangan na makuha ang 100 percent franchise consolidation upang ipatupad ang susunod na hakbang sa PUV modernization program.
Magugunitang inaasahan nila na aabot pa sa 80-85% ang makuha na franchise consolidation sa dagdag na tatlong buwan para sa hindi pa nakabuo ng grupo o kooperatiba.
Ginawa ni Bautista ang pahayag kaugnay sa pangunguna nito nang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na pagsagawa ng ground breaking para sa facility upgrade ng Laguindingan Airport na pinagsikapan ni Misamis Oriental 2nd District Cong. Bambi Emano at iba pa mga kongresista mula sa Northern Mindanao region kahapon ng umaga.