BOMBO DAGUPAN -Ibinahagi ni Bombo International News Correspondent Isaias Buada na nasa 80% hanggang 90% ang mga kanseladong flight ng mga lumalabas at pumapasok ng Israel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na maraming mga Pilipino ang hindi makaalis ng Israel dahil sa kawalan ng katiyakan sa flight schedule ng mga paliparan sa Israel.
Aniya na pabago bago ang kalagayan sa mga paliparan kaya naman marami sa mga Pilipino at iba pang mga dayuhan na umaalis ng bansa ang nai-stranded ng mahabang oras para lamang makapaghintay ng babyaheng mga eroplano.
Saad nito na maayos naman ang sitwasyon ng mga nai-stranded sa paliparan dahil sa loob na sila nananatili, subalit may iba na ayaw nang bumalik sa kanilang mga tirahan at naghihintay na lamang ng susunod na flight schedule kahit pa abutin sila ng mahabang oras.
Gayunpaman, wala rin aniyang kasiguraduhan na makakaalis sila dahil karamihan sa mga ito ay hindi pa nakakapag-book ng kanilang mga ticket.
Kaugnay nito, bilang drayber at naga-accomodate ng mga pasahero ay hindi naman nito maaalis ang takot at pangamba para sa kanilang kaligtasan dahil may ilang teroristang nakapasok sa kanilang bansa.
Ani Buada na nilalakasan na lamang nito ang kanyang loob sa tuwing lumalabas ito dahil may pinakalat na rin na mga sundalo at pulis sa bawat kakalsadahan.