Aabot sa 649,416 na mga agrarian reform beneficiaries ang makikinabang sa New Agrarian Emancipation Act, na nilagdaan ngayong araw ni pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Department of Agrarian Reform Undersecretary Marilyn Barua-Yap, na nagagalak sila sa development na ito at itinuturing na makasaysayan ang pagsasabatas ng panukala upang matugunan ang maraming suliraning pansakahan ng ating bansa.
Ang ginawa umano ni Pangulong Marcos Jr. ay tila followup sa nasimulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na siya namang lumagda sa Presidential Decree No. 2 na nagproklama sa mga land reform area sa ating bansa.
Sa ilalim kasi ng bagong batas, magiging ganap nang may-ari ng lupa ang mga magsasaka dahil hindi na pababayaran sa mga ito ang kanilang pagkakautang.
Kasabay ng pagpirma ng pangulo sa bagong batas, umaabot na sa mahigit 21 milyong ektarya ng lupa ang naipamahagi ng DAR sa mga benepisaryo.