Humiling na sa pamahalaan na ma-repatriate ang halos 40 mga Pilipinong naipit sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Israel.
Ayon kay Department of Foreign Affairs Usec. Eduardo de Vega, sa ngayon ay mayroon nang 38 mga overseas Filipino workers ang nagpahayag na ng kagustuhang makauwi sa bansa nang dahil sigalot na nagaganap ngayon sa pagitan ng militanteng grupo na Hamas at Israel.
Aniya, mula sa naturang bilang ay nasa 30 indibidwal o siyam na mga pamilya ang kasalukuyang nasa Gaza.
Kung maaalala, una nang sinabi ng mga kinauukulan na sa ngayon ay malabo pang magpatupad ng mandatory evacuation ang pamahalaan para sa mga kababayan nating apektado ng sagupaan sa nasabing bansa.
Ngunit una nang sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Cacdac na sa tamang panahon ay magsasagawa ito ng evacuation at repatriation efforts para sa mga Pilipino doon.
Samantala, sa ngayon ay patuloy naman ang pagsusumikap ng mga Embahada ng Pilipinas sa Tel-Aviv, Cairo, at Amman upang tulingan ang mga kababayan nating apektado ng naturang pangyayari.
Kung maaalala, unang sumiklab ang kaguluhan sa Israel nang umatake ang gunmen at magpakawala ng rockets ang grupong Hamas sa mga bayan sa Israel na kumitil sa buhay libo-libong katao.