
Nasa halos 2,000 o kabuuang 1,871 kaso ng child abuse ang naitala ng Department of Education (DepEd) sa mga paaralan mula noong 2019 hanggang 2020.
Ito ang ibinunyag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte kasabay ng culminating program ng National Children’s Month ngayong taon.
Kaugnay nito, hiniling ni Education Sec. Duterte sa Child Protection Unit (CPU) na magsumite ng report sa kabuuang bilang ng naitalang kaso ng pang-aabuso sa mga bata mula sa DepEd offices sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Subalit inihayag ni Duterte na ang data na nakalap ng DepEd ay “tip of an iceberg” lamang, ibig sabihin, maliit na porsyon lamang ito dahil hindi pa kabilang dito ang posibleng insidente ng child abuse mula sa 10 rehiyon sa bansa na nakatakda pa lamang magsumite ng report.
Pagsisiwalat pa ni Duterte na base sa report mula sa Preda foundation na isang charitable organization na nagpoprotekta sa karapatan ng mga kababaihan at mga bata na isa sa bawat tatlo o apat na bata ay nakakaranas ng sexual abuse bago tumuntong sa edad na 18.
Ayon pa kay Duterte nakakabasag ng puso ang ganitong report at inihayag na sa ganitong mga kaso ng karahasan sa mga bata karamihan sa kanila ay nananatiling tikom na lamang ang bibig at tinitiis ang pang-aabuso at umaasang ito ay mawawakasan din.
Bilang tugon dito, hinimok ni Duterte ang mga guro at non-teaching personnel na tulungan ang mga mag-aaral lalo na ang mga biktima ng pang-aabuso.
Tiniyak din ni Duterte na sisiguruhin ng DepEd ang isang ligtas na learning environment sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kampanya na pagprotekta sa mga bata sa mga paaralan.










