Umabot na raw sa halos dalawang milyo ang naserbisyuhan ng libre ng Metro Rail Transit’s Line 3 (MRT-3) mula nang simulan ang libreng sakay noong Marso 28 kasabay ng kaarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Michael Capati, officer-in-charge ng MRT-3, kabuuang 1,934,424 million passengers ang naserbisyuhan ng MRT-3 sa unang linggo sa isang buwang libreng sakay.
Naitala naman daw ang pinakamataas na ridership noong April 1 na mayroong 309,225 pasahero.
Aniya, naging proactive daw ang mga ito sa pagte-test sa mga tren sa four-car configuration maging ng Dalian trains dahil na rin sa inaasahang pagbabalik na sa normal ng biyahe ng mga tren dahil sa mas maluwag na ring restrictions sa bansa.
Sa ngayon, nasa 22 train sets na raw ang kayang tumakbo sa linya ng MRT nang sabay-sabay sa peak hours kasama na ang dalawang four-car CKD train sets at isang Dalian train set.
Naging posible raw ito dahil sa matagumpay na rehabilitasyon ng MRT-3 at ng patuloy na maaayos na pagmimintina ng mga upgraded subsystems kasama ang tracks, signaling, power, rolling stock at mga pasilidad ng MRT.
Kung maalala, nakapag-deploy ang MRT-3 ng kanilang first ever four-car CKD train sa revenue line sa unang araw ng pagpapatupad ng Libreng Sakay program.
Bawat train car ng CKD at Dalian trains ay kayang makapagsakay ng 394 na pasahero.
Ang CKD o Dalian train set sa three-car configuration ay puweden namang magsakay ng 1,182 na pasahero habang ang CKD at Dalian train set na mayroong four-car configuration ay nakakapagkarga naman ng 1,576 passengers.
Ang mga gustong mag-avail ng free ride hanggang Abril 30, 2022 ay puwedeng sumakay sa MRT-3 mula alas-4:40 ng madaling araw hanggang alas-10:10 ng gabi.