-- Advertisements --
Iloilo OFW bus repatriates COVID

ILOILO CITY – Umabot sa mahigit 400 repatriated overseas Filipino workers (OFWs) ang dumating sa Iloilo International Airport sa pamamagitan ng tatlong sweeper flights mula sa Metro Manila.

Ayon sa tala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 6, may 136 repatriates sa first batch, 145 sa second batch, at 156 sa ikatlong batch.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Provincial Administrator Atty. Suzette Mamon, sinabi nito na hindi naging madali ang pagsundo ng local government units (LGUs) sa ikalawa at ikatlong batch ng mga repatriates dahil hindi kompleto ang detalye sa manifesto kung kaya naging pahirapan ang koordinasyon.

Dahil dito, pansamantalang nanatili ang mga repatriates sa Iloilo Sports Complex kung saan kinunan ang mga ito ng swab at isasailalim sa laboratory testing.

Ayon kay Mamon, may mga LGU rin na umako ng responsibilidad na sa kanilang quarantine facility na mismo gagawin ang test para sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Napag-alamang maliban sa tatlong batch ng sweeper flights, may 455 pa na mga repatriates ang dumating sa Iloilo sakay sa barko.