LEGAZPI CITY – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang elementary public school teacher sa kamay ng mismong live-in partner sa loob ng sariling tahanan sa Barangay Binanuahan, Bato, Catanduanes.

Kinilala ang biktima na si Liezl Tato, 24-anyos, na 20 beses sinaksak ng partner nitong tricycle driver na si Reymark Tabiling, 28.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Lt. Francis Tabo, hepe ng Bato PNP, nagpasaklolo sa mga otoridad ang mga barangay officials nang marinig ang komosyon at sigawan sa loob ng bahay.

Sa pagresponde, pawang nakahandusay ang mga ito sa tabi ng banyo nang matagpuan at malapit sa duguang katawan, nakuha ang nasa 10 pulgadang haba ng kitchen knife at cellphone ng biktima.

Ayon sa mga kapitbahay ng pamilya, posibleng selos ang motibo sa pangyayari subalit hindi naman matukoy ang partikular na kuwento.

Kakaiba naman ang salaysay ni Tabiling sa mga pulis kung saan mistula umano siyang sinaniban kaya hindi alam ang mga ginawa.

Ibinalik din kaninang umaga sa pagamutan ang suspek dahil makailang beses nang ipinupukpok ang sarili sa pader nang malamang patay na ang live-in partner.

Kahit pa nabatid mula sa mga magulang ng biktima na walang bisyo ang suspek, inirekomenda na rin ang pagsailalim nito sa drug test at inihahanda na rin ang kaso.

Sa pagkamatay ng guro, naulila nito ang dalawang anak na babae na edad tatlo at limang taong gulang.