Pinaalalahanan ng PNP ang publiko lalo na ang mga gun owners na suspendido pa rin ang Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) sa Central Luzon, CALABARZON, Metro Manila, at lalawigan ng La Union.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Bernard Banac, ang hakbang na ito ay bahagi pa rin ng security protocol na pinairal ng PNP sa pagdaraos ng SEA games, na opisyal nang nagtapos kagabi.
Sinabi naman ni PNP OIC PLt. Gen. Archie Francisco Gamboa, kahit tapos na ang palaro ay hindi pa rin nagtatapos ang misyon ng PNP na pangalagaan ang seguridad ng mga dayuhang bisita hanggang sa makaalis sa bansa ang mga ito.
Inalerto din ni Gamboa ang mga pulis na i-secure ang iba pang mga dayuhang bisita na inaasahang mag-extend ng kanilang pamamalagi sa bansa para mamasyal.
Nakipag-coordinate na aniya sa PNP ang mga protocol officers ng iba’t ibang mga dayuhang delegasyon na may mga miyembrong nais bumisita sa ibang lugar sa bansa.